2023-11-14 12:59:36.0 Edgar Halog

BATAS O PAG-IBIG?

Hindi bawat mali ay dapat itama, hindi bawat tama ay dapat ipaglaban. Higit na dakila ang pag-ibig sa kapwa kaysa laging igiit ang tama (Mat 6:14-15)
Ang mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, ito ang mga dapat ninyong ipaglaban. Halimbawa, ang pagiging tapat sa inyong mga salita, nangako man kayo o hindi, ay dapat ninyong pairalin. Ang pagiging totoo sa pakikitungo sa kapwa, kahit na walang pakinabang, ay dapat ninyong panindigan. Ang pagtigil sa masama at paggawa ng mabuti, kahit nag-iisa lamang kayo, ay dapat ninyong ipagpatuloy. Ang paninindigan sa inyong tinanggap na katotohanan, kahit maging dahilan ng pighati, ay dapat ninyong tanganan hangang huli. Ang sinomang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi ay inyong iwasan o itakwil, kahit kaunti ang sa inyo ay malabi. Ang pagtupad sa kalooban ng Dios, maging anoman ang kapalit, ay dapat ninyong isagawa.
Madaling magsalita para sa mga bagay na tama at manindigan laban sa mga bagay na mali. Ngunit kung walang kinalaman sa paninindigan ng inyong pananampalataya, patawarin ninyo ang mga nagkakamali. Halimbawa, ang kaibigan na nakasakit ng inyong damdamin; ang kapit-bahay na sa inyo ay nandaya; ang di-kilalang tao na sa inyo ay nakapinsala; ang katrabaho na sa inyo ay nang-alipusta; ang kapatid na hindi tumupad sa kaniyang salita; ang anak na sa inyo ay nagsinungaling; ang kamag-anak na naging dahilan upang kayo ay mapighati; at marami pang tulad nito.
Kung maaari, hangga't nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat. Sa halip na igiit na sila ang mali kaya dapat sila ang maunang lumapit at humingi ng tawad, mauna na kayong lumapit na parang walang nangyari at patawarin ang kanilang pagkakamali. Sa ganitong paraan natutupad ninyo ang paggawa ng mabuti sa inyong kapwa o kaaway (Ro 12:17-21).
Ngunit kung kayo naman ang nagkamali o nakagawa ng hindi mabuti sa kapwa, huwag pairalin ang hiya sapagkat ito ay isang anyo ng pagmamataas na ikinukubli sa salitang "hiya". Ang taong nagkamali ay hindi dapat mahiyang humingi ng tawad. Higit siyang dapat "mahiya" kung hindi niya magawa ito. Alalahanin ninyo na dapat kayong magpakumbaba. Ito ang asal at gawa na nakapagdudulot ng papuri sa ating Panginoong Jesu Cristo at sa ating Amang Dios.
Pagpalain kayong mga may karunungang makaunawa.

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines