Para sa sanlibutan, ang bagong taon ay naghahatid ng panibagong pagasa sa muling panimula para sa minimithing bagong buhay. Gayunpaman, ang pagasang hatid ay panandalian at dagliang lumilipas. Lagi na lamang nagsisimula subalit hindi nakararating sa pagtatapos. Laging tumutuklas subalit hindi natatagpuan ang kabuluhan ng buhay.
Nawa ang taong ito ay di maging tulad ng mga nakalipas na taon, sapagkat kung taos-puso ang gagawing pagtalikod sa iyong dating buhay, ang ipinasya mo na bagong buhay ay dapat humantong sa isang pangako ng pagiging masunurin sa Dios.
Kapag ikaw ay nakipagtipan na maging masunurin sa Dios, ipinagkakaloob ng Dios ang espiritu ni Cristo. Ang espiritu naman ang nagkakaloob ng karunungan upang iyong maunawaan at maisagawa ang layunin ng Dios para sa iyo nang sa gayon ay tuluyan ng mawakasan ang iyong dati’y walang katapusang bagong panimula.
Pagpalain kayo na pinagkalooban ng karunungan na makilala ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.