2022-11-26 11:41:21.0 Edgar Halog

PAGSASALITA NG IBANG WIKA

Mga kaibigan, ang pagsasalita ng ibang wika ay hindi pagsasalita ng mabilis at sunud-sunod, o malalabo at hindi magkakaugnay na mga salita na walang nakauunawa. Ang mga paimbabaw man ay nagsasalita ng ganitong wika.

Ang tunay na pagsasalita ng ibang wika ay pagsasalita ng nakatagong karunungan ng Dios (1Cor 2:7) sa pamamagitan ng banal na espiritu, sa paraang simple, malinaw, at nauunawaang mga salita, ngunit ang kahulugan nito wala sa mga masasama ni sa mga paimbabaw ang makauunawa. Ang mga may karunungan ng Dios, sila ang makauunawa (Da 12:10).

Sa panahon ng Panginoong Jesus nagmistulang pagsasalita ng ibang wika ang pangangaral niya, sapagkat wala ninoman sa mga pinuno ng kanilang pananampalataya ang nakaunawa (1Cor 2:8; Ju 8:43). Wari’y nagsalita siya sa kanila sa wikang banyaga.

Sapagkat ang karunungan ng Dios ay kamangmangan sa mga masasama (2Ti 3:7, 13), at katitisuran sa mga masuwayin (Os 14:9), ngunit para sa mga sumasampalataya, ito ay kapangyarihan ng Dios sa kanilang ikaliligtas (1Cor 1:18).

Pag-isipan sana at makinig ang sinomang may mga tainga sa pakikinig.

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines