2022-08-23 11:21:35.0 Edgar Halog

WASTONG PAG-UNAWA NG SALITA NG DIOS

Paano maunawaan ang salita ng Dios? Ayon sa mga mangangaral, guro, at mga karaniwang tao na ang palagay sa sarili ay may karunungang magturo ng salita ng Dios, MAGBASA, upang ikaw ay makaunawa, na para bang ang sinomang magbabasa ay makauunawa. Ganun nga ba kadali at walang kahirap-hirap na unawain ang salita ng Dios?

Nakatagong karunungan ng Dios ang ipinahahayag ng Banal na Kasulatan (1). Ito ang dahilan kung kaya’t nang naparito ang Panginoong JesuCristo upang ipahayag ito, wala sinomang pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa (2); hindi ang mga Gobernador at Hari, lalo ng hindi ang mga Pariseo, Escriba, Saduceo, at mga Pari; mga taong matataas ang pinag-aralan at ipinalalagay na mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan. Ang dahilan ng hindi nila pagka-unawa ay sapagkat karunungan at talino ng sanlibutan ang kanilang pinairal. Kaya ang sinomang umaasa sa mga ito ay mapapahiya sapagkat ang karunungan at talino ng sanlibutan ay sinira at winalang saysay na ng Dios (3). Kung gayon, paaano mauunawaan ang salita ng Dios?

Walang ibang paraan kundi sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang espiritu ang nagbibigay ng karunungan ng Dios upang gabayan ka tungo sa lahat ng katotohanan (4), ito ang nagsusulat ng kalooban ng Dios sa iyong isip at puso (5), at ito ang nagkakaloob ng kapangyarihan na iyong naisin at isagawa ang kalooban ng Dios (6). Ang talagang suliranin ay, paano mo totoong tatanggapin ang banal na espiritu?

Makatitiyak ka, hindi mo tatanggapin ang espiritu ng walang kapalit na malaking sakripisyo sapagkat, kailangan mo munang magpakumbaba at patunayan sa Dios ang hangarin mo na matagpuan ito (7), ipakita ang iyong determinasyon na nakahanda ka na ipagbili ang iyong mga ari-arian upang sumunod kay Cristo (‘8’), ipamalas ang iyong kusang-loob na paghahandog ng iyong buhay para sa mga naliligaw tulad ng ginawa ni Cristo (9), at ipahayag ang iyong kapasyahan na ihandog ang iyong sarili bilang haing buhay (10); lahat ng ito upang iyong tanggapin ang banal na espiritu. At kapag naisagawa mo na ang mabubuting gawa na inihanda ng Dios na iyong lakaran (11), ang espiritu ang magsisilbing tatak ng garantiya (12) na ikaw ay makapasok sa makipot na daan patungo sa kaharian ng Dios (13).

Tulad ng maaaring nakikita mo na, ang paraan upang iyong maunawaan ang salita ng Dios, kung tutuusin, ay hindi totoong madali at walang kahirap-hirap.

Pag-isipan mo sana.

____

References:

1. 1 Corinto 2:6-7

2. 1 Corinto 2:8

3. 1 Corinto 1:19-20

4. Juan 16:13

5. Hebreo 8:10

6. Filipos 2:13

7. Lucas 11:9-13

8. Mateo 19:21; Lucas 14:33

9. Juan 15:13; 1 Juan 3:16

10. Roma 12:1

11. Efeso 2:10

12. 2 Corinto 1:21-22

13. Mateo 7:13-14; Mateo 19:23-24

-End-

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines