
Ang Cristiano ay isang Alagad ni Cristo. Bilang alagad, tulad ng kaniyang Panginoon, pinagkakalooban siya ng banal na espiritu, kaya’t mayroong pananangutang ipagpatuloy ang layunin na sinimulan ni JesuCristo (Luc 4:18; Ju 20:21), ang pagsaksi sa katotohanan (Gaw 1:8). Ang alagad na tumutupad nito ay nagsisilbing ILAW o ASIN.
Paano at kailan nagiging ILAW ng sanlibutan ang isang alagad (Mat 5:14)?
Ang alagad na gumagawa ng mabubuting gawa, sa gitna ng sanlibutang ligaw kung ano ang mabuti, ay nagsisilbing ILAW.
Halimbawa, siya ay lumalantad (Mat 5:15) sa sanlibutan, upang sa pamamagitan ng espiritu ay maihatid ang katotohanan (Ef 2:13), na siya niyang mabubuting gawa (Ef 2:10; 5:9), na magbibigay ng tanglaw at gabay sa mga taga sanlibutan (Fil 2:15) na nagnanais lumapit sa ilaw (Ju 3:21), at hinahanap ang daan patungo sa katotohanan.
Siya ay nangunguna (Jer 50:8), gumagabay, kaya’t sinusundan.
Paano at kailan nagiging ASIN ng sanlibutan ang isang alagad (Mat 5:13)?
Ang alagad na nananatiling gumagawa ng mabubuting gawa, sa gitna ng sanlibutang nagpapatuloy sa mga likong gawa sapagkat hindi nagnanais lumapit sa ilaw (Ju 3:20), ay nagsisilbing ASIN.
Halimbawa, siya ay naninindigan (2Cor 6:17) na huwag mahawa ng paimbabaw na pananampalataya ng sanlibutan (San 1:27) at nagpapatuloy na inihahatid ang katotohanan, na siya niyang mga mabubuting gawa, sa gitna ng sanlibutang itinatakwil ang katotohanan, kahit pa siya ay kinapopootan, inaalipusta, ihinihiwalay, itinatakwil, at inuusig (Luc 6:22-23).
Siya ay naiiba, kaya’t ipinalalagay ng sanlibutan na nahuhuli (Mar 10:31), ngunit ang kaniyang mga gawa ang nagpapaalala sa mga ayaw lumapit sa ilaw, kung ano ang mabuti at nakalulugod sa Dios (Ef 5:11).