2022-06-06 16:32:25.0 Edgar Halog

ANG SUSI NA NAGBUBUKAS NG IYONG PUSO KAY JESUCRISTO

Itinuturo ng bawat mangangaral ng Banal na Kasulatan na ang bautismo ay pagsisisi. Ang hindi itinuturo ninoman ay hindi pagsisisi ng iyong mga kasalanan ang bautismo, kundi, isa itong pakikipagtipan sa Dios na ikaw ay tatalikod mula sa pagiging masuwayin tungo sa pagiging masunurin sa Kaniyang kalooban.

Kung minimithi mo na maging isang alagad ni Cristo, makikipagtipan ka na iyong tatalikuran ang buhay na ang ginagawa ay ang iyong kalooban, na ang resulta ay pagsuway, tungo sa buhay na nakatuon sa paggawa ng kalooban ng Dios, na ang resulta ay pagsunod.

Kung walang pakikipagtipan na maging masunurin, ang pagsisisi ng mga kasalanan ay nagiging kapaimbabawan, sa halip na resulta ng isang pangako.

Kaya sa iyong pagsisisi,

Hindi mo sasabihin lamang na, “Tulungan mo ako na sundin at sundan ka Dios ko” kundi, sasabihin mo ng may panunumpa sa iyong puso, “Hahanapin at susundin ko ang iyong kalooban, Dios ko” (2Cronica 15:12-15; Mangangaral 12:13; 1Juan 5:3).

Hindi mo tuturuan ang iyong Panginoon na, “Pumasok ka sa

aking puso at maging Hari ng aking buhay” kundi, sasabihin mo ng buong pagpapakumbaba at may pangako sa iyong puso, “Mula ngayon, susundin kita bilang Hari ng aking buhay” (Awit 119:106; Gawa 5:29).

At hindi mo lamang ipahahayag, “Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, o Dios” kundi, ihahayag mo ng may panata sa iyong puso, “Ako ay narito o Dios, upang gawin ang iyong kalooban” (Hebreo 10:7, 9).

Sa pamamagitan ng ganitong paninindigan at pananalig, inaalis mo ang maruming bahagi ng iyong puso, ang iyong sariling kalooban, na siyang sanhi ng pagkamasuwayin ng tao (Gawa 7:51), kaya natutuli at nalilinis ang iyong puso (Deuteronomio 10:16; Roma 2:29) upang magawa mong ibigin at sundin ang Dios, ng iyong buong puso at ng iyong buong buhay (Deuteronomy 30:6). At dahil nahugasan at nalinis mo na ang iyong “bahay”, isinusugo ng Dios si JesuCristo (Gawa 3:20), na nagsisimulang manahan sa iyo (Juan 14:23).

Ang Tipanan na Maging Masunurin ang siyang susi na nagbubukas ng pintuan ng iyong puso upang tanggapin si JesuCristo (Pahayag 3:20). Kung wala nito, matutulad ka sa isang tao ng napakasamang henerasyon na tinukoy ni Jesus na, matapos magsisi sa mga kasalanan ay lumabas ang masamang espiritu sa kaniyang bahay. Ngunit ang pintuan ay hindi nagbubukas upang makapasok ang espiritu ni Cristo, kaya, bagamat nawalisan at maayos na ang bahay, nananatiling walang nananahan dito. Paglipas ng ilang panahon, ang masamang espiritu na lumabas sa tao ay nagbalik kasama ang pitong iba pang espiritu na mas masama kaysa sa kaniya, at pagkapasok sa loob, nanirahan na sila roon; at lalong lumala ang kalagayan ng taong iyon. Ganiyan din ang mangyayari sa paimbabaw na henerasyong ito (Mateo 12:43-45).

Hindi pagsisisi ng mga kasalanan ang magbubukas ng pintuan ng iyong puso sa espiritu ni Cristo, kundi, ang iyong pananampalataya na pumasok sa Tipan ng Dios na maging masunurin sa Kaniyang kalooban.

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungan na makilala ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines