2022-05-25 22:05:26.0 Edgar Halog

Kung Bakit Napabautismo si JesuCristo

Ang bautismo ay ang pagpapahayag ng iyong pananampalataya na isasagawa ang kalooban ng Dios. Napakahalaga ng gawang ito sapagkat ito ang tanda ng pagsisimula ng iyong pagbabalik-loob sa Dios sa pamamagitan ng taos-puso mong pagsisisi. Ngunit ang paniniwala na ang bautismo ay pagsisisi ng mga kasalanan ay hindi totoo. Ang PAGSISISI ay PAGTALIKOD. Kaya't ang tunay na layunin ng bautismo ay hindi pagtalikod sa mga kasalanan, kundi, pagtalikod mula sa LUMANG BUHAY tungo sa BAGO. Ito ang pagtutuli ng puso, at para sa ating mga makasalanan, ang kahulugan nito ay pagtalikod mula sa buhay na MASUWAYIN patungo sa buhay na MASUNURIN sa Dios. 

Ukol naman sa Panginoong JesuCristo, nang dumating ang panahon ng kaniyang pagpapakilala sa sanlibutan (Heb 10:5) para sa pagsisimula ng kaniyang gawain, isinaayos muna niya ang mga bagay ayon sa nararapat (Mat 3:15), tulad ng itinakda ng Ama. Kinailangan niya munang makipagtipan sa Dios, sa araw ng kaniyang bautismo, upang ipahayag ang kaniyang pananampalataya sa kalooban ng Ama na siya ay magpahinga na mula sa sarili niyang kalooban (Heb 4:10). Kaya't siiya ay tumalikod mula sa makasanlibutang buhay, upang simulan ang buhay na nakalaan sa pagpapahayag ng Mabuting Balita (Heb 10:7,9). Iyan ang dahilan kung bakit napabautismo si Jesus. Bilang katunayan ng pagsang-ayon ng Ama, ipinagkaloob ng Dios kay Jesu Cristo ang banal na espiritu (Mat 3:16-17); Lu 4:18).

Kapag ikaw ay nakipagtipan sa Dios sa iyong bautismo, na tatalikod sa lumang buhay tungo sa bago, wala ng pag-urong tulad ng aso na nagbalik sa sarili niyang suka (2Pe 2:20-22), kung hindi, ikaw ay umuurong tungo sa kapahamakan (Heb 10:38-39). Sapagkat kung magkagayon, inilalantad mo si Cristo sa kahihiyan dahil muli mo siyang ipinapako (Heb 6:4-6).

Kung paanong natupad ng iyong Panginoon ang kaniyang tipanan sa Ama, gayun ka din dapat, kung ikaw nga ay tunay na alagad ni Cristo at isang anak ng kataas-taasang Dios. 

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungang maunawaan ang kaibahan ng katotohanan at kasinungalingan. 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines