2022-01-06 14:25:54.0 Edgar Halog

Ang Kalooban Mo Ang Buhay Mo

Tinuturo ng sanlibutan, “Ibigin mo muna ang iyong sarili, bago mo magawang ibigin ang iba.” Ngunit ang pag-ibig na itinuturo ni Cristo, ay isuko ang iyong buhay sa Dios alang-alang sa mga kapatid sa pananampalataya, wala ng hihigit pa sa ganitong pag-ibig (Juan 15:13; 1Juan 3:16). Sa isa pang talata, ipinagdiriinan ni Cristo na, “Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan” (Juan 12:25).

Ang sarili mong kalooban, yan ang buhay mo. Ang sinomang nagsusuko ng kaniyang kalooban, ay nagsusuko ng kaniyang buhay sa Dios.

Hindi mo maisusuko sa Dios ang iyong buhay kung uunahin mong ibigin ang iyong sarili. Sapagkat siya na iniibig ang kaniyang buhay sa sanlibutang ito ay aayaw at matatakot na isuko ang buhay na ito para sa Dios.

Ngunit ang sinomang “napopoot” sa kaniyang buhay sa sanlibutang ito, ang siyang magkakaroon ng paninindigan at pananampalataya na isuko ang kaniyang buhay upang isagawa ang kalooban ng Dios. Karagdagan pa, sinasabi ni Cristo, “… Malibang ang isang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, nananatili itong isang butil lamang; ngunit kung ito ay mamatay, namumunga ito ng marami.” (Juan 12:24).

Malibang ikaw ay “mamatay” sa pagsunod sa iyong sariling kalooban, hindi mo magagawang mabuhay upang isagawa ang kalooban ng Dios at mamunga ng marami.

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungan na makilala ng kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan (1Hari 3:9).

 

 

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines