01-06-2022 Edgar Halog

Ipanganak sa Tubig at sa Espiritu

Upang ipanganak na muli, kailangan kang ipanganak sa tubig at sa espiritu. Malibang mangyari ito, hindi makapapasok ang sinoman sa kaharian ng Dios (Ju 3:5).

Ang ipanganak sa tubig ay ang mabautismuhan sa tubig (Mat 3:11). Ang ritual ng paglulubog sa tubig ay isang talinhaga na ang tunay na ipinahahayag ay PAGSISISI, hindi mula sa kasalanan, kundi mula sa DIPAGKAMASUNURIN sa Dios, na siyang dahilan ng lahat ng iyong pagkakasala. Kung paanong nililinis ng tubig ang dumi ng katawan, nililinis ng pagsisisi ang iyong mga KASALANAN MULA SA DIPAGKAMASUNURIN.

Ang ipanganak sa espiritu ay ang mabautismuhan sa espiritu (Mat 3:11). Ang ritual ng paglubog sa tubig, at pag-ahon mula rito, ay isang talinhaga na ang tunay na ipinahahayag ay ang PAKIKIPAGTIPAN sa Dios, kung saan ikaw ay nakikipagsumpaan na magiging masunurin (Aw 119:106; Ex 19:5-8; Heb 8:8-10), at ang Dios naman ay nangangakong ikaw ay kukupkopin bilang isang anak (2Cor 6:17-18), kung ikaw nga ay magiging masunurin (1Ha 3:14, 15:5; Aw 15:1-2; Is 33:15). Ikaw ay “namamatay” mula sa pagkamasunurin sa iyong sarili, upang magpanibago, tungo sa bagong buhay na masunurin sa Dios.

Samakatuwid, ang bautismo ay hindi isang ritual ng paglulubog sa tubig ni paghuhugas ng dumi ng katawan, kundi isang PANGAKO sa Dios na ikaw ay magiging MASUNURIN sa Kaniyang kalooban (Heb 10:7,9; 1Pe 3:21). Kung ikaw nga ay tunay na nagbabalik-loob mula sa dipagkamasunurin, walang inaasahan mula sa iyo kundi ang mangako na maging masunurin. Kung tungkol sa mga ritual, ang tubig ay walang halaga, tulad ng pagtutuli ng laman na walang halaga (Ga 5:6), sapagkat ang mga paimbabaw man ay ginagawa ang mga ritual na ito. Ang mahalaga sa Dios ay ang taos-pusong pagsisisi mula sa dipagkamasunurin, at ang katapatan sa iyong pangako na magiging masunurin.

Ang bautismong pagsisisi na walang pangako na maging masunurin ay hindi bautismo sa anomang paraan. Tulad lamang ito ng pagtanggap kay JesuCristo na walang pangakong susunod sa kaniyang kapamahalaan, na siyang ginagawa ng mga mapagkunwari. Ngunit huag kayong paliligaw, ang Dios ay hindi malilibak o madadaya (Ga 6:7). Hindi lahat ng nakikipagtipan sa Dios ay tatanggap ng banal na espiritu (Mt 22:14). Ipagkakaloob Niya ang walang bayad na handog, ang banal na espiritu na nga (Gaw 2:38; Gaw 10:45), pagkatapos lamang Niyang mapatunayan na hindi ka kabilang sa mga paimbabaw. At mapatutunayan lamang Niya ito matapos na makita ang iyong malinis na hangarin na maging tapat sa inyong tipanan. Saka ka lamang ipanganganak sa tubig at sa espiritu.

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungang makaunawa ng kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines