Ang Lumang Tipan ba at ang Bagong Tipan ay mga listahan ng mga utos, o, talaan ng mga pangako?
Ang Luma at ang Bagong Tipan ay mga Kasunduan o, Tipanan sa pagitan ng Dios at ng tao. Bagama’t nasusulat dito ang mga utos ng Dios, higit na nararapat itong ituring na talaan ng mga pangako, na PANANAGUTAN ng dalawang pumapasok sa tipanan, ikaw at ang Dios. Ang mga pangako ng Dios ay kailangang tumbasan ng iyong pangako.
Ito ang buod ng mga Pangako ng Tipan:
- Ang Dios ang iyong magiging Dios at,
2. Ikaw ay ibibilang sa Aking Bayan.
"Ang Dios ang iyong magiging Dios", ay isang pananagutan mo na ang Dios lamang ang iyong susundin, hindi na ang iyong sarili; Siya lamang ang maghahari sa buhay mo, hindi na ikaw; at ang kalooban lamang Niya ang isasagawa, hindi na ang sa iyo (Heb 4:10; Ro 6:18). Kung matutupad mo ito, mapatutunayan mo na ang Dios nga ang iyong Dios (Jer 31:33). Ngunit kung hindi, ang iyong sarili pa rin ang iyong dios sapagkat ito ang iyong sinusunod (Ro 6:16), tulad ng mga paimbabaw (Mat 15:8). Hindi maaaring tanggapin, o paniwalaan mo lamang na siya ang tunay na Dios, sapagkat ang mga paimbabaw at ang mga diablo man ay kinikilala Siyang tunay na Dios. Ang inaasahan ng Dios ay maging tapat ka sa iyong salita (Mat 5:37), na tila ba nakatanim sa iyong isip, at nakasulat sa iyong puso ang Kaniyang kalooban (Heb 8:10), at handa kang tuparin ito.
Sa kabilang dako, ang mga katagang, "Ikaw ay ibibilang sa Aking Bayan", ay isang pananagutan ng Dios, na ikaw ay itatangi, ituturing na anak, at ipagkakaloob ang mga ipinangako sa inyong Kasunduan. Upang mapanatag ka na hindi sumisira ang Dios sa pangako, nakapaloob sa Banal na Kasulatan ang mga testimoniya o patotoo ng mga naunang nakipagtipan.
Hindi nagbago ang mga pangako ng tipan. Ang nagbago ay ang kalipunan kung kanino nakikipagtipan ang Dios. Sa Lumang Tipan, ang Dios ay nakipagkasundo sa pisikal na lahi ng Israel, silang mga Isarael sa panlabas na ang pagtutuli ay sa laman (Ro 2:28). Ngunit hindi tumupad ang lahing ito sa mga pangako ng Kasunduan, kaya’t pinalitan ng Dios ang Tipan (Heb 8:8-9). Sa pagkakataong ito, nakikipagtipan ang Dios sa espiritual na lahi ng Israel, silang mga Israel sa panloob na ang pagtutuli ay sa puso (Ro 2:29).
Dahil sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ni Cristo, nabuksan ang pintuan ng kaharian, hindi sa lahat ng tao (Ro 9:6), kundi sa lahat ng lahi ng tao na magsisisampalataya (Ro 1:17, 3:30) at magsisisunod (1Ju 2:17, 5:2-3; Mt 7:21) sa kalooban ng Dios. Sa kanila lamang ibinibigay ang karapatang maging mga anak ng Dios (Ju 1:12; Ga 3:26).
Sa ilustrasyong pang tao, ang mga lagda sa kasunduan ang nagpapatibay ng kanilang mga pinagkasunduan. Sa pagitan ng Dios at ng tao, ang mga PANGAKO ninyo ng Dios ang magsisilbing mga LAGDA upang pagtibayin ang inyong Kasunduan. Lumagda na sa Kasunduan ang Dios, hinihintay na lamang ang iyong paglagda.
Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungang makakilala ng kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.
BAGONG KASUNDUAN
- Ako ang iyong magiging Dios.
- Ilalagay ko ang aking mga utos sa iyong pagiisip at sa iyong puso ay aking isusulat ang mga ito. Ikaw ay ibibilang sa Aking Bayan.
Nilagdaan: Nilagdaan:
GOD ____________________