01-06-2022 Edgar Halog

Mabubuting Gawa na Hindi Maipagmamalaki

MABUBUTING GAWA NA HINDI MAIPAGMAMALAKI

Kailangan ang mabubuting gawa mula sa pagkamasunurin (San 2:26). Hinihingi ito ng Dios bilang katibayan ng iyong pananampalataya. Hindi maaaring angkinin na iniibig mo ang Dios kung hindi mo iniibig ang iyong kapwa, lalo na ang iyong mga kapatid sa pananampalataya (1Ju 4:20). Gayundin naman, ang pag-ibig sa iyong kapwa ay napatutunayan lamang ng iyong mabubuting gawa (Mt 19:21; 1Ju 3:16-18). Mayroong mabubuting gawa na iyong maipagmamalaki, at mayroong mabubuting gawa na hindi. Ang makaunawa ng pagkakaiba ay ang bayang nakalulugod sa puso ng Dios (Gaw 13:22; Ju 7:17).

Kung hindi sumasaiyo ang espiritu, ang iyong mabubuting gawa ay mga gawang maipagmamalaki. Iyong ginagawa ang mga ito, hindi sa pamamagitan ng espiritu, kundi sa pamamagitan ng iyong sariling lakas. Halimbawa, kung ipamigay mo man ang lahat ng iyong ari-arian upang pakainin ang mahihirap, o ialay ang iyong katawan upang sunugin, ngunit wala kang pag-ibig, ang mga gawang ito ay hindi mo mapakikinabangan. (1Cor 13:2).

Ang pag-ibig na tinutukoy dito ay ang pag-ibig mo sa Dios na siyang magpapakilos na isuko mo ang iyong buhay upang maging masunurin sa Kaniyang kalooban (Ju 15:13). Sapagkat malibang ipangako mo na isasagawa ang kalooban ng Ama, SA ISANG TIPANAN, hindi mo mapatutunayan ang iyong pag-ibig at pananampalataya sa Kaniya, kaya hindi mo tatanggapin ang walang bayad na handog ng Dios (Gaw 10:45), ito nga ang banal na espiritu (Gaw 2:38). At kung hindi sumasaiyo ang espiritu, anomang mabuting gawa ay gawa na maipagmamalaki mo, sapagkat ginagawa mo ito sa pamamagitan ng iyong sariling lakas, gaya ng lahat ng mabubuting gawa ng mga paimbabaw. Ang mga gawang ito ay hindi magbubunga sapagkat hindi sumasaiyo si Cristo, at ang sinomang hiwalay sa kaniya ay walang magagawang anoman (Ju 15:5) na may halaga sa Dios (1Cor 13:1-3). Sa huli, sa kabila ng inaakala mong mabubuting gawa, sasabihin lamang ni Cristo, “Kailanman ay hindi ko kayo nakilala! Magsilayo kayo sa akin…” (Mat 7:21-23).

Ngunit kung sumasaiyo ang banal na espiritu, ang iyong mabubuting gawa ay mga gawang kailanman ay hindi mo maipagmamalaki, sapagkat nagagawa mo ito sa pamamagitan ng kapangyarihan na nagmumula sa banal na espiritu. Ang espiritu ng Dios ang kumikilos upang iyong loobin at isagawa ang mga layunin ng Dios (Fil 2:13; Heb 13:21). Sa pamamagitan ng espiritu, palalakasin ka ng Dios upang maisagawa ang mga bagay na kung wala ang espiritu, ay imposibleng maisagawa ng tao (Mat 19:26). At sa pamamagitan ng naturan ding espiritu, ikaw ay pababanalin (Ro 15:16) at pasasakdalin (Ju 17:23) upang makapasok sa kaharian ng Dios, kung ikaw nga ay hindi mapapagod (Ga 6:9) sa pagiging masigasig sa mabubuting gawa (Tit 2:14; Col 1:10; Ef 2:10).

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungan na makilala ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.

 

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines