2022-01-05 14:41:06.0 Edgar Halog

Ang Pananampalatayang Hindi Nakapagliligtas

Sa iyong pananampalataya kay Cristo inililigtas ka sa paghatol (Ef 2:8; Ju 3:18). At sa iyong pananampalataya kay Cristo itinuturing ka na matuwid (Ga 2:16; Ro 5:1). Ngunit mayroong pananampalataya na walang halaga sa Dios at hindi makapagliligtas sa iyo. Unawain ang mga talatang sumusunod:

1. “At kung magkaroon ako ng kaloob na pagpapahayag ng salita ng Dios, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa’t wala akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.” (1Cor 13:2) 2. “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagpahayag kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’ At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, ‘Kailan ma’y hindi ko kayo nakilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.’” (Mat 7:22-23)

Ang pananampalatayang walang PAG-IBIG sa Dios ay hindi makapagliligtas sa iyo, kahit na, sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay nagagawang mong “palipatin ang mga bundok”, o “maunawaan ang lahat ng hiwaga”, o “makapagpahayag ng salita ng Dios”, o “makagawa ng mga gawang makapangyarihan” sa pangalan ni Cristo. Ang pag-ibig sa Dios ang pinaka dakila at una sa lahat ng mga utos (Mat 22:38), kaya’t kailangan mo munang patunayan ang iyong pag-ibig sa Dios, bago Niya ipagkaloob ang pagsang-ayon sa iyo bilang isang anak.

Ang paraan upang malaman ng Dios kung iniibig mo Siya ay sa pamamagitan ng pagtutuli ng iyong puso, kung paanong dahil sa iyong pananampalataya, magagawa mo na makipagtipan sa Dios na tatalikod sa pagkamasuwayin tungo sa buhay na masunurin (1Ju 5:3). Ito ang kalooban ng Dios na una sa lahat, na kailangan mong isagawa (Mat 7:21). Dahil sa pagkatuli ng kanilang mga puso (Deu 30:6; Mat 3:16; Ro 2:29), lumagda sa Tipan, sa talinhagang paraan, si Abraham at ang Panginoong Jesus upang pagtibayin ang kanilang pananampalataya na ipahinga ang kanilang sariling kalooban (Heb 4:10), upang maisagawa ang kalooban ng Ama. Kaya tinanggap nila ang pagsang-ayon ng Dios (Ge 15::6, 22:12; Mat 3:17).

Walang hihigit pa sa pag-ibig ng isang nagsusuko ng kaniyang kalooban (Ju 15:13). Kapag isinusuko mo ang iyong kalooban sa Dios, isinusuko mo rin ang iyong buhay (1Ju 3:16), at dahil dito, ipinagkakaloob sa iyo ng Dios ang banal na espiritu bilang handog ng pagsang-ayon (Mat 3:11, 16, 17; Ro 8:9).

Malibang sumaiyo ang banal na espiritu, ang lahat ng iyong mga gawang mabuti ay hindi ibibilang na mga gawa ng pananampalataya (Ef 2:10) kundi, bilang mga gawa ng pagkamasuwayin o katampalasanan (1Cor 13:2; Mat 7:23), sapagkat hindi mo inibig ang Dios upang pasakop sa Kaniyang pamamaraan kung paano maging matuwid. Sa halip, sinikap mo na maitatag ang sarili mong pamamaraan, kaya ang iyong sarili pa rin ang iyong dios sapagkat ito pa rin ang iyong sinusunod (Ro 6:16).

Pagpalain kayong mga pinagkalooban ng karunungang maunawaan ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan.

Copyright 2021 Edgar Halog | Web Design by WebToGo Philippines